Kinikilala ang Hong Kong bilang sentro ng negosyo at pananalapi, hindi lang sa Asya kundi maging sa buong mundo kaya hindi kataka-takang tinatawag din itong globalized society.
Sa mga nais malaman kung ano ba ang kahulugan ng salitang globalisasyon, ang Tsim Sha Tsui o TST sa Kowloon ay tunay na halimbawa ng naturang salita. Ang TST ay maihahalintulad sa isang maliit na United Nations, at naglalarawan sa salitang Asia's world city.
Dito sa TST matatagpuan ang pinakamaraming hotel sa lahat ng distrito ng Hong Kong. At kahit na mas mahal kaysa sa normal ang halaga ng mga paninda, dagsa pa rin ang mga turista dito. Marahil ay epekto ito ng mentalidad na "It's the place to be".
Kung titingnan ang TST ngayon, wala ng bakas na makikita ng dating maliit na isla na binubuo ng mga maliliit na burol. Dahil sa magandang posisyon nito ay naging dati itong bagsakan ng mga lokal na kalakal, lalo na ng mga panindang insenso na mula sa malayong parte ng Hong Kong na kung tawagin sa ngayon ay New Territories. Heung Po Tau ang bansag sa TST noon dahil samabangong amoy na dulot ng mga insenso.
Nag-umpisa ang pagbabagong anyo ng TST nang maging kolonya ng Britanya ang Hong Kong. Ang mga Intsik na nakatira dito ay unti-unting pinalikas papunta sa Yaumatei. Nanatiling sentro ng kalakal ang TST ngunit sa paraang gusto ng mga mananakop. Nang mga panahong iyon, tanging mga Briton lang ang may pahintulot na tumira sa TST.
Marami sa mga pumupunta sa Kowloon ay nadadaan sa TST ngunit hindi masyadong pinagtutuunan ng pansin ang mga mahahalagang parte ng kasaysayan nito.
CLOCK TOWER
Para maintindihan o lalong kalugdan ang kasaysayan ng TST, magandang umpisahan ang planong pamamasyal sa Star Ferry. Pagbaba pa lang sa ferry mula sa Central, makikita kaagad ang matayog na Clock Tower sa tagiliran ng Cultural Center.
Ang tore na ipinatayo noong 1915 ay bahagi ng Kowloon-Canton Railway o KCR na nag-umpisang maghatid ng serbisyo noong 1916. Isang de-kuryenteng orasan at tansong kampana na may bigat na isang tonelada ang ikinabit sa tore at umalingawngaw sa himpapawid ang unang tunog nito noong 1920.
Noong panahon ng pangalawang pandaigdig na digmaan, pinatigil ang regular na pagtunog nito at saka lang muling narinig noong 1945. Nadagdagan pa ng tatlo ang orasan na nakakabit sa tore mula noon. Nang lumipat ang istasyon ng KCR sa Hunghom noong 1975, pinatayuan ng Hong Kong Cultural Center at Hong Kong Space Museum ang dating headquarter. Samantala, sa dating riles naman umusbong ang gusali ng New World Center.
Ang tanging natira ay ang Clock Tower. Ang antigong kampana ay inilipat sa iba't-ibang lugar sa Hong Kong nguni't ibinalik din sa orihinal na tahanan nito noong nakaraang taon.
Chungking MansionsIlang hakbang lang mula sa Star Ferry ay matutunghayan ang Chungking Mansions, ang tinaguriang "one of Asia's amazing places" sa mga babasahing pang-turista. Ito ay nakapwesto sa sentro ng TST sa kahabaan ng Nathan Road at napapaligiran ng mga shopping mall at magagarang otel.
Sadyang kakaiba ang Chungking kumpara sa mga gusali sa buong Hong Kong. Hindi dahil sa ganda ng pagkakagawa kundi dahil itinuturing itong buhay na gusali. Hindi ito literal na gumagalaw tulad ng mga hagdan sa pelikulang Harry Potter pero buhay na buhay naman ang loob at labas nito.
Sa labas ay makikita ang umpukan ng mga lalaki na hindi mawari kung Indian, Pakistani, Nepali o Bangladeshi. Lahat ng mga dumadaan sa harapan ng gusali ay hindi makakaligtas sa kanilang matatalas at mapanuring mga mata. May mga nag-aalok ng kuwarto, relos, telepono, at iba pa.
May hindi magandang reputasyon ang Chungking. Dito daw nagtatago ang mga illegal na mga dayuhan. Dito din daw nagaganap ang bentahan ng illegal na droga at kung ano-ano pa. Ngunit sa kabila nito, dinadagsa pa din ito ng mga tao.
Maraming mga dayuhan partikular ang mga Aprikano, Indian, Pakistani at Nepali ang tumutuloy dito. May mga naliligaw din na "puti" lalo na ang mga mahihilig sa adventure. Panaka-naka ay may mga Pinay na pumapasok kasama ang kanilang kasintahang iba ang lahi. Ang mga turistang nagtitipid sa pambayad ng otel, kabilang na ang mga tinatawag na "backpacker" ay kadalasang dito umuupa ng kuwarto.
Tanyag ang Chungking Mansions sa mga panindang maleta at bag sa murang halaga na matatagpuan sa mga tindahan sa ground floor. Maraming nga Pinoy ang bumibili ng maleta dito.
Pagpasok sa lobby ay agad mararamdaman na parang nasa ibang planeta o pagtitipon ng United Nations dahil iba-ibang lahi ang makikita. Iyon nga lang, walang pulong na nagaganap dahil abala ang bawat isa sa kanilang mga negosyo.
Ayon sa Time magazine, isa ang Chungking sa Top10 Best of Asia dahil isa itong "cultural melting pot" kung saan makikita at nagkakatagpo-tagpo ang ibat'-ibang lahi.
Ang lugar na itinayo noong 1961 ay binubuo ng limang gusali na may 17 palapag bawat isa. Dati itong residential building kung saan karamihan sa mga nakatira ay mga Intsik. Ngayon, tinatayang may 5,000 ang mga nakatira dito, pero 10,000 tao ang labas-pasok sa nasabing gusali araw-araw. Naging tahanan ito ng pinakamaraming bilang ng mga mumurahing otel na tinatayang umaabot sa bilang na 1980.
Dinadayo din ang Chungking ng mga hindi masyadong maselan sa pagkain, lalo na iyong mga mahihilig sa curry. Sinasabing dito daw matatagpuan ang tumay, pinakamasarap at pinakamurang curry sa buong Hong Kong.
Dito din makikita ang pinakamaraming panindang cell phones at iba pang makabagong gamit sa buong Hong Kong. Hindi kataka-taka na dito inaangkat ng mga negosyante ang mga binebenta nilang cell phones sa mga tinatawag na third world countries. Ngunit ayon sa mga balita, karamihan sa mga ito ay mga "reconstructed" mula sa China.
Tinatayang may mahigit 120 lahi na ang nakatuntong sa Chungking. Dahil sa isang sunog na naganap noong 1988 at sa madalas na pagkahuli ng mga ilegal na turista, nagkasundo ang homeowners association na kabitan ang lahat ng sulok ng mga gusali ng CCTV. Marahil dahil dito, kahit na nakakatakot ang itsura ng nasabing lugar, nananatiling lubhang mababa o halos wala, ang bilang ng mga kaguluhan sa Chungking.
Isang paalala lang kung pupunta dito, tiyakin na may kasama dahil bagamat malinis na ang record ng mansion sa mga krimen, ipagpalagay na lang na papunta sa ibang bansa kaya kailangan ng dobleng pag-iingat.
Subukan ding puntahan ang Mirador Mansion na malapit lang sa Chungking. Dito unang nanirahan ang mga musikerong Pinoy noong kanilang kasikatan. Sa katunayan, matatagpuan pa rin sa gusaling ito ang opisina ng Hong Kong Musician's Union.
Kowloon ParkKapag nahilo sa sobrang dami ng mga tao sa United Nations of Chungking, magandang tumambay muna sa Kowloon Park. Tumawid lang sa kalsada papunta sa bagong shopping mall na i-Square at baybayin ang kahabaan ng Nathan Road hanggang makita ang Kowloon Park.
Ang Kowloon Park o Green Lung of Kowloon ay hindi ordinaryong parke. Ang parke na dating kilala sa tawag na Whitfield Barracks aynaging kampo ng mga British Army noong 1890s na pinangungunahan ng kanilang commander na si Henry Wase Whitfield. Nagpatayo ang hukbo ng 85 na barrack buildings noong 1910.
Noong 1968, ibinalik ng British Military force ang nasabing lugar sa gobyerno ng Hong Kong na ginawang parke ang lugar na may sukat na 13.5 ektarya noong 1970.
Pagpasok sa parke, makikita ang ilang gusali na nakatayo dito. Sa unang tingin, mukhang mga bagong tayo lang ang mga ito pero ang totoo ay mga lumang barracks ito ng British Army. Sa ngayon, hindi na mga sundalo ang makikita dito kundi ang mga namamasukan sa opisina ng iba't ibang ahensya ng gobyerno.
Para sa mga mahihilig sa sports, may mini-football pitch sa kahabaan ng Austin road. Nasa tabi lang nito ang indoor sports center at swimming pool. Lubhang malaki ang swimming pool na may sukat na tatlong ektarya. Dito madalas ginaganap ang mga malalaking paligsahan sa paglangoy. Mahigit 1,000 katao ang pwedeng lumangoy dito at magtampisaw ng sabay-sabay, sa halagang $19 bawa't isa.
Sa mga mahihilig naman sa mga ibon, merong man-made aviary na napakaganda. May maliit na falls sa gilid, at sa itaas ay matatagpuan ang iba't-ibang uri ng ibon. Sa di kalayuan, makikitaang parang post card na itsura ng mga flamingo na naliligo.
Kung kakayanin pa ng "powers", dalawin ang tinatawag na maze garden at mamangha sa mga disenyo ng mga tanim na ginawang parang isang higanteng palaisipan.
Sa bandang unahan nito ay ang makikita naman ang tinatawag na sculpture walk. Dito nagtatanghal ang mga kilalang iskultor. May Tai Chi place o Kung Fu garden din para naman sa mga mahihilig sa mag-ehersisyo. Marami pang ibang pwedeng puntahan sa parke gaya ng Color Garden, Piazza, Pagoda, Hanging Garden at iba pa.
Bago tapusin ang pagliliwaliw, huwag kalimutang silipin ang Kowloon Mosque. Ito ang pinakamalaking mosque sa buong Hong Kong.
Tapusin ang pamamasyal sa TST sa pagsa-shopping sa Park Lane o kaya ay bumalik sa Star Ferry at manood ng Symphony of Lights na nagaganap tuwing ika-walo ng gabi.
Tiyak na sa kabila ng pagod, hinding-hindi makakalimutan ang paglalakbay sa mga makasaysayang lugar ng TST, ang tinaguriang United Nations of Hong Kong |
|
No comments:
Post a Comment